4 na probinsya sa bansa, itinaas na sa COVID-19 Alert Level 4; 14 lalawigan, inilagay sa Alert Level 3

by Radyo La Verdad | January 21, 2022 (Friday) | 2595

METRO MANILA – Bunsod ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa ibang panig ng bansa, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang paghihigpit at paglalagay sa COVID-19 alert level 4 ng apat na probinsya.

Epektibo ngayong araw, January 21 – 31, 2022, nasa alert level 4 na ang Kalinga, Ifugao, Mountain Province at Northern Samar.

Mas mahigpit ang COVID-19 protocols ang iiral sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 4.

Limitado ang mobility ng mga menor edad at kabilang sa vulnerable population sa pag-access ng pangunahing pangangailangan, serbisyo at trabaho.

Bawal ang mga establisyimento at activities na high-risk sa COVID-19 transmission tulad ng face-to-face o in-person classes sa basic at higher education liban na ang inaprubahan ng IATF o tanggapan ng presidente, lahat ng contact sports, cinemas at movie houses, funfairs, kid amusement industries, venues na may live voice o wid-instrument performers at audiences, casinos, horse racing, cockfighting , lottery, betting shops at iba pang gaming establishments, at pagtitipon ng mga residenteng di kabilang sa magkaparehong household.

Limitado naman ang operasyon ng mga pinahihintulutang aktibidad at negosyo sa maximum 10% indoor venue capacity para sa fully vaccinated individuals at sa 30% outdoor venue capacity.

Samantala, ilang probinsya pa ang nadagdag sa listahan ng alert level 3 hanggang sa katapusan ng buwan.

Partikular na ang mga probinsya ng Apayao, Puerto Princesa City, Masbate, Siquijor, Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay, Lanao del Norte, Davao de oro, Davao Oriental, North Cotabato, Sarangani, Sultan Kudarat, Surigao del Norte, Maguindanao at Basilan.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,