4 na opisyal ng Smartmatic at personnel ng COMELEC, sinampahan ng paglabag sa Anti-Cybercrime Law

by Radyo La Verdad | May 25, 2016 (Wednesday) | 2637

Atty.-Jose-Amor-Amorado
Apat na opisyal ng Smartmatic at tatlong IT personnel ng COMELEC ang nahaharap ngayon sa reklamong paglabag sa Republic Act 10175 o mas kilala bilang Anti-Cybercrime Law.

Kahapon, naghain ng pormal na reklamo sa Manila Prosecutor’s Office ang kampo ni Senador Bongbong Marcos laban kina Marlon Garcia, Elie Moreno, Neil Banigued at Mauricio Herrera ng Smartmatic.

Kasama rin sa inireklamo ang mga IT personnel ng COMELEC na sina Rouie Peñalba, Nelson Herrera at Frances Mae Gonzales.

Sinampahan sila ng illegal access, data interference at system interference dahil sa hindi otorisadong pagpasok ng bagong program sa transparency server ng COMELEC noong araw ng halalan.

Ayon sa kampo ni Marcos, malinaw na labag sa batas ang ginawa ng mga respondent dahil wala itong pahintulot ng COMELEC En Banc.

Ito’y kahit sabihing pang cosmetic change lamang ang ginawa ng mga respondent at wala itong naging epekto sa resulta ng bilangan.

Ayon pa sa kampo ni Marcos, may sabwatang nangyari sa pagitan ng Smartmatic at mga tauhan ng COMELEC.

Hindi umano magagawa ng Smartmatic namagpasok ng bagong program sa server kung hindi ibinigay ng COMELEC ang kanilang password.

Una nang itinanggi ni Rouie Penalba sa kanyang memorandum sa COMELEC na inutusan niya si Garcia nabaguhin ang script upang palitan ng letter “ñ” ang “?”.

Dati na ring nilinaw ng Smartmatic na hindi inilihim ang ginawang pagbabago sa program kundi inanunsyo pa ito sa lahat ng naroon sa transparency center ng PPCRV.

Samantala, wala pang sagot ang smartmatic sa isinampang reklamo ng kampo ni Marcos.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: , ,