4 na koponan, maghaharap sa Finals ng UNTV Cup 3X3 sa Lunes

by Erika Endraca | March 5, 2020 (Thursday) | 10760

METRO MANILA – Pinalawig ng UNTV Cup ang paraan na makatulong ang mga koponan sa kanilang mga napiling beneficiary sa Liga ng Public Servants.

Kasabay ng serye ng kampeonato sa pagitan ng AFP Cavaliers at DENR Warriors, idinagdag ng UNTV Cup ang 3×3 basketball bilang supporta na rin sa layunin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na pasikatin ito sa buong bansa.

Sa ngayon, ang 3×3 format ng basketball ay kasama na sa mga laro sa 2020 Olympic Games.

Ang mga koponan na kasali sa torneo na ito ay ang mga teams na hindi nakasama sa Final 4:  PhilHealth Plus, GSIS Furies, SSS Kabalikat, PNP Responders, Ombudsman Graftbusters, Malacañang-PSC Kamao, PITC Global Traders at Department of Agriculture Food Masters.

Ang mga match ups ay pinagpasyahan sa pamamagitan ng bunutan. Sa unang laro, tinalo ng PhilHealth Plus ang GSIS Furies, 19-15.

Pinangunahan ni Kenneth Emata ang PhilHealth sa pamamagitan ng 7 points na may supporta nga 12 puntos mula sa kanyang mga kakampi.

Sa ikalawang laro, pinataob ng SSS Kabalikat ang PNP Responders sa iskor na 13-10.

Naging mainit ang shooting ni Carlito Quiambao na kumunekta ng 8 puntos para sa SSS samantalang si  Rolly Serrano naman ang bumida sa PNP na may 9 points. Sa pangatlong laban, ginulat ng Ombudsman Graft Busters ang Malacañang-PSC Kamao sa pamamagitan ng 1 puntos, 12-11.

Ang dating professional player na si Bernzon Franco ang nanguna sa Graft Busters samantala si John Michael Jimenez naman ay tumikada ng 8 puntos.

At sa huling laban, ang PITC Global Traders ay ibinaon ang Agriculture Food Masters, 14-9.

Si Rod William Vassallo ay nag-ambag ng 7 puntos para sa PITC samantalang si  Sherwin Silva ang nagdala sa Agriculture Food Masters.

Ang apat na nanalong team ay maglalaro sa semifinals at finals na gaganapin sa Lunes, March 9, 2020 sa Smart-Araneta Coliseum.

Ang magka-kampeon sa 3×3 ay tatanggap ng P100,000 para sa kanilang charity samantala ang ikalawang pwesto ay P50,000.

Tags: