4 na dating Pangulo ng bansa, maaaring maging miyembro ng transition commission sa paglipat ng bansa sa pederalismo

by Radyo La Verdad | July 12, 2018 (Thursday) | 8176

Nagpulong kahapon sa ikalawang pagkakataon ang consultative committee matapos na maisumite ng mga ito noong Lunes kay Pangulong Rodrigo Duterte ang proposed federal charter.

Dito napagkasunduan ng mga ito ang paglalagay ng karagdagang miyembro sa magiging transition commission sa paglipat ng bansa sa federal form of government.

Mula sa 10 ay magiging labing pito ang miyembro nito at uumpisahan ang pagsasagawa ng kanilang tungkulin matapos maratipikahan sa plebisito ang planong cha-cha.

Ang transition vice president, Senate President, Speaker of the House at lahat ng nabubuhay pa na mga dating Pangulo ay magiging ex-officio members ng transition commission.

Ang transition commission ang may tungkulin na tiyakin na maayos na pagpapalit ng gobyerno.

Sa bersyon ng federal charter na isinumite kay Pangulong Rodrigo Duterte, nakalagay na ang magsisilbing chairman ng transition commission ang kasalukuyang Pangulo at siyang mamumuno sa maitatalagang 10-member team.

Ngunit noong Lunes ay binago ito dahil sa hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais na niyang bumaba sa pwesto kapag naaprubahan ang panukalang pederalismo.

Ngunit ayon sa Concom, may karapatan pa ring tumanggi ang mga Pangulo na maging ex-officio member kung nais ng mga ito, kabilang sa mga nabubuhay pang naging Pangulo.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,