4 huwes na sangkot umano sa illegal na droga, pinaiimbestigahan na ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | August 9, 2016 (Tuesday) | 1232

SUPREME-COURT
Apat sa pitong huwes na isinasangkot sa illegal na droga ang pinaiimbestigahan na ng Korte Suprema.

Ang mga ito ay sina Judge Exequil Dagala ng MTC, Dapa-Socorro, Surigao, Judge Adriano Savillo ng RTC Iloilo City, Judge Domingo Casiple ng RTC Kalibo, Aklan, at Judge Antonio Reyes ng RTC Baguio City.

Hindi kasama sa pinaiimbestigahan ang tatlo pang huwes dahil wala na sila sa serbisyo.

Batay sa ipinalabas na resolusyon ng Supreme Court, itinuturing na reklamo laban sa mga huwes ang naging pahayag ni Pangulong Duterte.

May pitong araw ang mga huwes upang sagutin ang mga akusasyon laban sa kanila.

Itinalaga ng mataas na hukuman si Retired Justice Roberto Abad bilang imbestigador.

Kailangan niyang tapusin ang imbestigasyon sa loob ng tatlumpung araw at magsumite ng rekomendasyon sa Supreme Court en Banc.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: ,