3rd telco player, target mapangalanan ng DICT sa ika-7 ng Nobyembre

by Radyo La Verdad | October 26, 2018 (Friday) | 2044

Siyam na telco ang nagpahayag ng interes upang maging ikatlong major player sa telecommunication industry.

Kabilang dito ang China Telecom, Mobiltel Holding, Telenor Group, Udenna Corporation, TierOne Communications at Luis Chavit Singson Group, Now Telecom, PT&T, at dalawang hindi pinangalanang kumpanya.

Ngunit ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) acting Secretary Eliseo Rio Jr., apat lamang ang inaasahan sa mga ito na matitira upang maglaban-laban upang maging ikatlong telco.

Aniya, kailangang pang humanap ng local partner ang ibang mga kandidato.

Sa ika-7 ng Nobyembre ay target ng DICT na mapapangalanan na kung sino ang magiging ikatlong telco player sa bansa.

Kaya naman lahat ng mga naturang kumpanya ay kailangang magpakitang gilas sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang commitment sa pinakamagandang serbisyo sa publiko.

Ang isa sa mga ito, ang Tier One at grupo ni former Governor Luis Chavit Singson, nagsabing kaya nilang ibigay ang nationwide mobile at internet coverage.

Gagamit ang Tier One at LCS Group ng isang satellite sa outer space upang makapagbato ng signal sa mga hybrid mobile satelite na ikalalat sa buong bansa.

Ang hybrid mobile satellite ang magsisilbing celltowers na magbibigay ng serbisyo sa limang daan hanggang dalawang libong subscribers sa layong hanggang labing dalawang kilometro. 1.3 gigabyte speed kada segundo ang kayang ibigay na internet speed nang naturang satellite.

Limampung libong hybrid mobile satellite ang ikakalat ng naturang kumpanya sa buong bansa.

Bukod pa dito ang ilalatag na fiber cable ng naturang kumpanya sa mga susunod na taon.

Kung sino man ang mapipili bilang ikatlong telco sa bansa, sa 2019 ay maaari nang magsimulang makakakuha ang mga ito ng mga subscriber.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,