3D pedestrian lane, tampok sa isang mall sa Makati City

by Radyo La Verdad | November 29, 2017 (Wednesday) | 6852

Patok ngayon sa social media ang video na pinost ni Adrian Carreon, kung saan makikitang tila nakalutang ang pedestrian lane na ito. Maituturing ito na pinakabagong 3D pedestrian lane sa harap ng isang mall sa Circuit, Makati City.

Ayon sa management ng mall, hango ang naturang disensyo sa pedestrian lane sa bansang Iceland. Base sa mga pag-aaral ng ilang eksperto, nakatutulong ang ganitong uri ng disensyo upang maging maingat sa pagmamaneho ang isang motorista. Dahil sa tinatawag na optical illusion na nililikha ng 3D Art, binabagalan ng mga driver ang takbo ng sasakyan kapag malapit na ito sa pedestrian lane.

Ayon kay Sherwin Saavedra, ang Estate Manager ng Circuit Makati and Ayala Triangle Gardens, ginawa nilang kakaiba ang mga disenyo  ng pedestrian lane upang hikayatin ang mga tao na tumawid sa tamang tawiran.

Subalit may ilang nagsasabi na posible umano itong pagmulan ng aksidente, dahil maari ring malito ang driver sa ilusyon. Ngunit taliwas naman dito ang pananaw ng isang road expert.

Ayon kay Engineer Alberto Suansing ang Secretary General ng Philippine Global Road Safety Partnership, ligtas gamitin ang 3D style pedestrian lane, dahil nasubukan na ito sa ilang mga bansa at dumaan na rin ito sa masusing mga pag-aaral. Makakatulong rin aniya ito sa isinusulong na road safety campaign sa Pilipinas.

Ayon kay Suansing, maari ring gamitin ang ganitong uri ng tawiran sa iba pang lugar sa Metro Manila. Sa ngayon ay hindi pa natatapos ng management ng mall ang pagpipintura sa kanilang mga pedestrian lane.

Bukod sa 3D style, plano rin na gawing kakaiba ang disensyo ng iba pang mga pedestrian lane sa paligid ng mall.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,