38-M COVID-19 vaccine mula India, inaasahang darating sa Pilipinas sa Mayo at Setyembre

by Erika Endraca | April 28, 2021 (Wednesday) | 1833

METRO MANILA – Kasabay ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa India, ipinag-utos ng pamahalaan nito na doblehin pa ang pruduksiyon ng COVID-19 vaccine sa bansa upang masapatan ang pangangailangan ng mga bakuna.

Kaugnay nito, milyon-milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 ang inaasahang darating sa Pilipinas mula sa 2 vaccine manufacturers sa India.

8 Million doses ng Covaxin ng Bharat Biotech ang inaasahang darating sa bansa sa huling Linggo ng Mayo na ilalaan para sa mga LGU at pribadong sector.

30 million doses na COVID-19 vaccine naman mula sa Serum Institute of India ang darating sa buwan ng Setyembre.

“We will have 8 Million by the end of next month yan ang COVAXIN, private sector-lgu supported and then by september we will have covavax that was purchased by national government with serum institute of india and after that we can order some more if there is a need for it” ani Philippine Ambassador to India Amb. Ramon Bagatsing Jr.

Samantala, 2 Pilipino naman ang nasawi sa India noong Biyernes matapos tamaan ng COVID-19 ayon sa report ng embahada ng Pilipinas.

Bukod sa mga nasawi, mayroon ding 20 OFW ang nahawa sa sakit na kasalukuyang naka-isolate ngayon at sumasailalim sa gamutan.

Sinisikap ngayon ng embahada na mapauwi sa Pilipinas ang mga labi ng mga nasawing Pinoy.

“As to the handling of the remains that is something that we have to figure out because as i said no flights coming from India ang importante muna is ayusin natin ang mga labi nitong nasawi na ito based on the instructions of the family and then we will see how we can make arrangements with the airlines for their transport back to the Philippines”ani Philippine Ambassador to India Amb. Ramon Bagatsing Jr.

Tiniyak naman ni Ambassador Bagatsing na suportado ng embahada ang basic necessities ng mga pilipinong tinamaan ng sakit lalo’t kasalukuyan ang ipinapatupad na lockdown sa Delhi na capital city ng India

Dahil sa panganib na dala ng double mutant strain ng COVID-19, pinag-iingat ng embahada ang mga OFW at hinikayat ang mga ito na magpabakuna sa vaccination program ng pamahalaan sa darating na Mayo kung kailan sisimulan ang pagbabakuna sa mga edad 18 pataas

(Marvin Calas | UNTV News)

Tags: