38 kawani ng BOC, tinanggal sa pwesto

by Radyo La Verdad | October 9, 2017 (Monday) | 2195

Walong District Collector ng Bureau of Customs ang tinaggal sa pwesto ni BOC Commissioner Isidro dahil sa hindi pagtupad sa kanyang kautusan na tigilan na ang kurapsyon at benchmarking sa kanilang nasasakupang ports.

Kabilang sa mga inalis sa posisyon ang district collector ng Port of Cebu, Port of San Fernando, Limay, Iloilo, Subic, Legazpi, Zamboanga at Port of Appari.

Sinibak din ang 30 section chief ng formal entry division ng Port of Manila at Manila International Container Port at inilipat sa iba’t- ibang provincial collection district ng kawanihan.

Ipapalit naman sa nabakanteng pwesto ang mga kinuhang tauhan ni Lapeña mula sa Philippine Drug Enforcement Agency. Ibibigay sa mga ito ang pamamahala sa Account Management Office, Import Assesment Services at Administration Office ng BOC.

Samantala, sa flag raising kanina, pinangunahan naman ni Lapeña ang panunumpa ng 560 mga empleyado ng BOC na na-promote sa serbisyo.

Sa kanyang talumpati, hinikayat ni Lapeña ang mga empleyado na pagbutihin pa ang pagta-trabaho at huwag gamitin ang posisyon para sa kanilang sariling interes.

Plano rin ng opisyal na mag-hire pa ng mas maraming tauhan, upang lalo pang mapabilis ang serbisyo ng komisyon.

Sa ngayon ay mayroong mahigit sa tatlong libong posisyon ang bakante sa BOC.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,