METRO MANILA – Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) sa ipatutupad na seguridad sa darating na summer vacation at long holiday.
Ayon kay Philippine National Police – Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, 34,000 pulis ang ide-depoly ng PNP nationwide para magbantay sa mga transportaion hubs o terminals, major thoroughfare, tourist destinations o pasyalan at mga malalaking simbahan.
Kasama din aniya dyan ang pagde-deploy ng 7,000 trained tourist police, K9 units at mga plain clothes policemen.
Noong nakaraang bakasyon, tumaas ang kaso ng theft and robbery base sa datos ng PNP.
Mula Abril hanggang Mayo ng 2023 , tumaas ang theft ng 3.29% mula sa 2,217 lamang na kaso noong 2022 … umakyat ito sa 2,290 nitong 2023.
Habang tumaas din ang robbery ng 2.33%… mula 774 na kaso noong April hanggang May ng 2022 … umakyat ito sa 792 noong 2023 ng kaparehong buwan.
Kaugnay nito, pinag -iingat ng PNP ang publiko na magtutungo sa mga tourist destination ngayong bakasyon.
Anila, iwasan ang pagsusuot ng mga mamahaling alahas at pagdi-display ng mga mamahaling gadgets habang nasa pampublikong lugar.
Ibilin ang iiwang tahanan sa mapagkakatiwalaang kapitbahay upang makaiwas sa kawatan.
Iligpit o itago sa ligtas na lugar ang mga maiiwang mahahalagang gamit.
Tiyakin din na naisarang mabuti ang mga gripo dahil maaari rin itong pagmulan ng insidente.
Iwasan din ang pagpo-post sa social media ng “At the Moment” (ATM) upang hindi malaman ng mga nag-aabang na masasamang loob na walang tao sa inyong tahanan.
Tags: long holiday, PNP