34 sa 46 escalators ng MRT Line 3, fully operational na

by Radyo La Verdad | November 15, 2019 (Friday) | 41593
Photo: DOTr – MRT 3 | Facebook

METRO MANILA, Philippines – Kabilang sa patuloy na malawakang rehabilitasyon ng Metro Rail Transit o MRT Line 3 ang pagkukumpuni ng escalators sa mga istasyon ng tren sa kahabaan ng EDSA.

Apat napu’t-anim ang kabuuang bilang ng mga escalators ng MRT 3 sa mga istasyon nito. Ngunit bago muling magsilbi bilang maintenance provider ang Sumitomo-MHI-TESP sa MRT noong nakaraang taon, dalawampu lang ang gumagana sa mga ito. Ibig sabihin, dalawampu’t anim o mahigit kalahating porsyento sa mga escalator ng naturang railway ay hindi operational o sira.

Matapos ang mahigit isang taon, ipinahayag ng pamunuan ng MRT-3 na umaabot na tatlumpu’t-apat na escalators ang magagamit o fully operational na.

Pinakahuling naisaayos ay ang dalawang escalator units sa parehong Southbound ng Boni at Ayala Stations. Malaking ginahawa ito para sa mga pasahero lalo pa sa mga senior citizens, may kapansanan, buntis at may kasamang bata.

Ayon sa mga pasahero ng MRT:

“Salamat at magagamit na. Ilang beses na ako naglalakad sa hagdan. Nahihirapan talaga kami umakyat sa hagdan sa panahon ngayon lalo na ang senior. Hirap na hirap na talaga kami.”

“Mahalaga talaga ang escalator kasi lalo na doon sa mga medyo nahihirapang lumakad.  Kailangan talaga ‘yong escalator. “

Target naman ng bagong maintenance provider na gawing fully operational ang lahat ng mga escalators ngayong taon.

(Asher Cadapan, Jr. | UNTV News)

Tags: , , ,