Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency at Criminal Investigation and Detention Group ang apat na bahay sa Barangay Caingin, Bocaue, Bulacan na hinihinalang isang drug den.
Sa loob ng compound, naaktuhan pa ng mga otoridad ang nasa tatlumpu’t apat na mga lalaki at babae habang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Agad inaresto ang mga ito ngunit ang itinuturong pusher o supplier ng droga sa nasabing barangay na kinilalang si alyas Don Ramon ay nakatakas.
Ayon sa CIDG, tatlong linggo nilang minanmanan ang lugar matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa talamak na bentahan at paggamit ng iligal na droga.
Narekober sa lugar ang ilang pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit sa dalawandaang libong piso, ilang drug paraphernalia, isang improvised 22-caliber gun, mga bala at ilang patalim.
Sa ngayon ay dinala na sa Bulacan Provincial Jail ang mga inaresto habang patuloy pang pinaghahanap ang nakatakas umanong pusher ng droga sa barangay. ( Nestor Torres / UNTV News )
Tags: Philippine Drug Enforcement Agency at Criminal Investigation and Detention Group