Pormal nang binuksan ang ika-33 ASEAN Summit kahapon sa Suntec Convention Center sa Singapore. Dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang ibang siyam pang lider ng ASEAN Member States.
Sinundan ito ng presentasyon ng ASEAN Business Advisory Council, working dinner na pinangunahan ng ASEAN chairman at Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong. Pinakahuli sa schedule ang ASEAN Summit Plenary.
Ayon Singapore Prime Minister Lee, handa ang ASEAN na makipagtulungan sa mga external partners upang ma-address ang iba’t-ibang hamon.
Samantala, isusulong naman ni Pangulong Duterte sa ASEAN Summit ang posisyon ng Pilipinas hinggil sa South China Sea issue.
Batay sa pahayag ng Malacañang, bibigyang-diin ng punong ehekutibo ang principle position ng bansa hinggil sa maritime dispute. Gayunman, walang detalyeng ibinigay ang Duterte administration.
Bukod dito, bibigyang-diin din ni Pangulong Duterte ang iba pang concern tulad ng transnational at transboundary issues kabilang na ang terorismo, violent extremism, trafficking in persons, illicit drugs at Disaster Risk Reduction and Management.
Inaasahan ang bilateral meeting ni Pangulong Duterte sa iba pang ASEAN Member States leader at dialogue partners, kabilang na ang chairman ng 2018 ASEAN na si Singapore Prime Minister Lee.
Posible ring makapulong ng Pangulo sina Russia President Vladimir Putin at Japanese Prime Minister Shinzo Abe.
( Mary Jo Maleriado / UNTV Correspondent )
Tags: 33rd ASEAN Summit, Pangulong Rodrigo Duterte, Singapore