Natuklasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na 3,377 sa halos isang daang libong kumpanya na kanilang ininspeksyon ay nagpapatupad pa rin ng illegal contractualization scheme.
Isinagawa ang inpeskyon at pagtukoy sa mga non-compliant companies alinsunod sa ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na executive order 51 na nagbabawal sa illegal contracting at sub- contracting.
Napag-alaman din ng DOLE na mahigit 244,000 na mga empleyado ang nananatiling kontraktwal sa kabila ng kautusan ng pangulo na gawing regular ang mga manggagawa.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, naisumite na nila kay Pangulong Duterte ang listahan ng mga ito.
Seryoso aniya ang pangulo na ipasara at tanggalan ng business permits ang mga kumpanyang hindi tutugon sa panawagan ng pangulo na gawing regular ang kanilang mga manggawa at bigyan ng sapat na sahod at benepisyo.
Nguni’t ayon kay sec. Bello, inisyal pa lamang ang listahan dahil kailangan ng karagdagang dalawang libong labor law compliance officers ng DOLE upang inspeksyunin ang nasa 900,000 na establisyemento sa buong bansa.
Nasa 800,000 na business establishments pa ang kailangang mainspeksyon ng DOLE upang alamin kung may paglabag din ang mga ito.
Ayon sa DOLE, hindi naman ito shame campaign laban sa mga kumpanyang nakitaan ng paglabag sa labor law, kundi bahagi lamang ito ng repormang nais ipatupad ng pamahalaan.
Sinisiguro naman ng DOLE na tututukan nila ang regularisasyon sa mga manggagawa ng 20 kumpanya na may pinakamaraming kontraktwal na empleyado.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: DOLE, illegal contracting, kumpanya