Kinumpira ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang pagkakapatay sa 33 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa halos isang linggong operasyon ng militar sa mga bayan ng Shariff Aguak at Datu Unsay sa Maguindanao.
Bukod sa mga napatay, sampung miyembro rin ng BIFF ang naitalang sugatan sa engkwentro habang pito sa panig ng military ang nasugatan.
Ayon sa ulat ng commander ng 601st brigade ng Philippine Army 6th infantry division na si Col.Lito Sobejana muli ring nabawi sa bandidong grupo ang bayan ng Sharif Aguak at Datu Unsay.
Ilang improvised explosive device rin ang narekober ng AFP, sa isinagawang clearing operations sa lugar.
Ngunit ayon kay AFP Spokesperson Brigader General Restituto Padilla Jr., sa ngayon ay pansamantala munang itinigil ang security operations sa lugar dahil sa isinagawang pag-uusap tungkol sa peace process sa Mindanao.
Nagpaabot naman ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong pamilya na pansamantala munang nanunuluyan sa mga evacuation center.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)
Tags: 10 sugatan, 33 miyembro BIFF patay, halos isang linggong opensiba ng militar, Maguindanao