313 tertiary schools sa bansa, pinayagan ng CHED na magtaas ng matrikula

by dennis | May 19, 2015 (Tuesday) | 1116
File photo
File photo

Nasa 313 pribadong pamantasan at kolehiyo ang pinayagan ng Commission on Higher Education (CHED) na magtaas ng matrikula at iba pang school fees para sa school year 2015-2016.

Tumaas ng average na 6.48% ang matrikula at ibang school fees ng mga pinayagan na eskuwelahan.

Sa kabuuan, nasa 1,683 na institusyon ang nag-apply sa CHED para makapagtaas ng singil.

Sa naturang bilang, 283 o 16% ang humiling na makapagtaas ng matrikula habang nasa 212 kolehiyo at pamantasan naman o 12.60% ang nagpaaalam na magtaas ng kanilang ibang school fees.

Sa matrikula pa lamang, ang average increase ay umabot ng 6.17% o P29.86 per unit habang ang ibang school fees naman ay tumaas sa average na 6.55% o P135.60.

Samantala, hindi naman inaprubahan ng CHED ang pagtataas ng matrikula ng mga pribadong tertiary schools sa Eastern Visayas region na matinding naapektuhan ng bagyong Yolanda.