Kaakibat ng pinaigting na kampanya ng Duterte administration sa pagsugpo sa iligal na droga sa bansa.
Inihahanda na rin ngayon ng Department of Health ang pagsasaayos sa ilang drug rehabilitation center upang matulungan ang dumaraming bilang ng mga drug dependent na nagnanais na magbagong buhay.
Sa tala ng DOH, mayroong 44 accredited treatment at rehabilitation sa Pilipinas.
41 dito ay pawang mga residential center at tatlo naman ang out-patient center.
Pito sa mga ito ay matatagpuan sa National Capital Region, tatlo sa Region III, labing apat sa Region IV-A, at iba pang lugar sa bansa.
Sa ilalim ng 2016 national budget, lumalabas na mula sa mahigit 128 bilyong pisong pondo ng Department of Health, 29.6 bilyon dito ay nakalaan sa pagsasayos ng mga health care facility kasama na ang mga drug treatment at rehabilitation center.
Kaugnay nito, plano ni DOH Secretary Paulyn Jean Ubial na lagyan ang bawat komunidad sa bansa ng drug rehabilitation services, alinsundo sa umiiral na treatment at rehabilitation center sa Davao City.
Sakaling maaprubahan ang implementasyon nito, ayon kay Ubial, kinakailangan sumailalim sa training ang ilang LGU at barangay official na syang mangangasiwa sa bubuuin na community-based treatment center.
Nais ng kalihim na palawakin ang programa kung saan, pinaplano rin nito na i-convert ang ilang pribadong pasilidad sa mga lokal na pamahalaan bilang mga rehab center, at sasagutin ng gobyerno ang magiging gastos dito.
(Joan Nano/UNTV Radio)