301 housing unit sa Carigara, Leyte para sa mga Yolanda survivors, sinimulan ng ipinamahagi

by Radyo La Verdad | October 18, 2018 (Thursday) | 6817

Isa ang pamilya ni Mang Renato Gaspar sa mga naging biktima ng Bagyong Yolanda noong 2013 sa Carigara, Leyte.

Mula nang mangyari ang kalamidad, tatlong beses na silang nagpalipat-lipat ng tirahan dahil wala silang permanenteng lugar kung saan ititirik ang kanilang bahay.

Kaya abot-abot ang pasasalamat ni Mang Renato dahil nasama sila sa mga unang nabigyan ng pabahay mula sa National Housing Authority (NHA) na sinimulan nang ipamahagi kahapon.

Ayon kay Carigara Mayor Eduardo Ong, prayoridad na ilipat ang mga residente sa mga danger zone.

Samantala, tiniyak naman ng NHA na matibay at hindi substandard ang mga bahay na ipagkakaloob sa mga biktima ng kalamidad. Mayroon na rin itong linya ng tubig at kuryente.

Ayon sa National Housing Authority (NHA), kayang tagalan ng mga bahay na ito ang lakas ng hangin na aabot sa 250 kilomete per hour. Nasa 3,489 ang kabuoang housing unit na naka-allocate sa Carigara.

Ayon sa NHA, nasa 290,000 pesos per unit ang halaga ng bawat unit, kasama na ang land acquisition at development ngunit libreng ibinibigay sa mga benipisyaryo.

Ipinamamahagi ito sa mga beneficiary sa pamamagitan ng raffle upang maiwasan ang inggitan at isyu ng umano’y favoritism.

Paalala ng NHA sa mga beneficiaries ng libreng pabahay na sundin ang guidelines dahil maaring bawiin ng ahensiya ang housing unit kung mapatunayang lumabag ang mga ito.

 

( Archyl Egano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,