Umaatikabong aksyon ang ipinamalas ng Philippine Marines nang saklolohan nila ang isang lalaki mula sa kamay ng mga kidnapper sa isang beach resort sa Cavite.
Matapos mailigtas ang biktima ay dali-dali itong isinakay sa multi-purpose attack craft ng philippine marines na may kakayahang dumaong sa mga dalampasigan.
Ang senaryong ito ay isa lamang sa mga amphibious exercise ng Philippine marines at ng Philippine fleet na tinawag na “pagsisikap 2015” sa Ternate, Cavite.
Layunin nitong mapaigting at mapalakas pa ang kakayahan sa pagpaplano at pagsasagawa ng special operations ng mga miyembro ng Philippine Navy.
Sinabi rin ni Torralba na tatlong daan nilang miyembro ang sumasailalim ngayon sa masidhing pagsasanay bilang bahagi ng kanilang deployment sa 2015 APEC summit sa darating na Nobyembre.
Inaasahang dadalo sa pagtitipong gagawin sa metro manila ang mga lider at kinatawan ng dalawampu’t isang bansa sa Asia-Pacific region.
Inaasahan na ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa nasabing event upang maiwasan ang anumang insidente gaya ng pagdukot sa mga dayuhang delegado.
Samantala, tiniyak naman ng Philippine Navy na handa silang mag-mobilize ng dagdag na tropa upang masagip ang tatlong banyaga at isang pilipina na dinukot sa isang beach resort sa Samal island sa Davao del Norte noong lunes.(Sherwin Culubong/UNTV Correspondent)
Tags: Cavite, Philippine fleet, Philippine Marines