Mula sa orihinal na 56 ay 30 lang ang umuwi Kahapon (Feb. 10). Ayon sa DFA may mga nag back out last minute dahil sa iba’t ibang dahilan.
Walang sinoman sa mga ito ang kinakitaan ng anomang sintomas ng Coronavirus infection. Paglapag sa Clark International Airport agad silang dinala sa quarantine facility sa New Clark City Athlete’s Village.
Kasamang isinailalim sa 14 na araw na quarantine ang repatriation team at ang 6 na flight crew.
“After 3 days po mental health team from our facility from mariveles will go there and assess ano ba yung mga mental needs or psychosocial support that we need to provide because hindi po biro maquarantine ka ng 14 days siyempre mabobore ka diyan” ani DOH Undersecretary, Dr. Gerardo Bayugo.
Sa quarantine facility may tig-iisang kwarto ang mga OFW maliban na sa may pamilya o may kasamang bata. Ipinagbabawal muna silang bisitahin ng kanilang mga kamag-anak o kaibigan.
Sa halip papayagan silang gumamit ng cellphone at wifi para makausap ang mga ito. Libre ang kanilang mga pagkain, hygiene kit at gamot.
“They will also be provided opportunity to breath fresh air, mayroon doong portion para ng near the door by batch, or by schedule they can go out and see the world around and enjoy the view of NCC and this will be the routine. ” ani DOH Undersecretary, Dr. Gerardo Bayugo.
Limang health personnel ang magbabantay sa kanila pero hindi ito magkakaroon ng direct contact sa mga OFW dahil magkakahiwalay ang kanilang building.
Kasalukuyang naka-lockdown pa rin ang NCC at mahigpit ang seguridad na ipinatutupad sa loob at labas ng quarantine facility.
Samantala naka code blue alert ang lahat ng pampublikong ospital sa Central Luzon para tumugon sa anomang pangangailangang medikal ng mga OFW.
Ibig sabihin, lahat ng mga doktor, nurses at hospital staff ay on call at dapat handang mag- duty anomang oras sila kailanganin.
(Aiko Miguel | UNTV News)