30 kabilang ang 3 Chinese nationals, huli sa iligal na pagmimina ng lahar sand sa Pampanga

by Radyo La Verdad | December 4, 2018 (Tuesday) | 37491

Umabot na sa 600 na ektarya ang dapat sana’y 18 ektarya lamang na inilaang lugar ng pagmimina sa Porac, Pampanga. Kayat inireklamo ng mga katutubong Aeta ang quarrying activities doon dahil sinisira anila nito ang kanilang iniingatang yaman at ancestral domain.

Bilang tugon, isang operasyon ang isinagawa ng National Bureau of Investigation – Environmental Crimes Division sa dalawang planta at quarrying site sa Barangay Manuali, Porac, Pampanga.

Arestado ang 30 indibidwal dahil sa illegal quarrying kabilang ang kapitan ng barangay at tatlong Chinese nationals na pumasok lamang sa bansa bilang mga turista.

Nakumpiska rin ng mga otoridad ang 1 bilyong pisong halaga ng heavy equipment, makinarya, conveyances at naminang mineral.

Isang Ryan Clarete na may-ari umanong ng Clarete mining at isang Anson Tinglao na major stockholder ng Tag Mineral Resources Inc. ang sinasabing nagsasagawa ng quarrying sa lugar.

Nahaharap ang tatlumpung naaresto sa paglabag sa Section 103 ng Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995 at Section 10 o paglabag sa Indigenous People’s Rights Act of 1997.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,