3 tulak ng iligal na droga sa mga estudyante, arestado

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 7419

Naaresto ng mga tauhan ng QCPD Drug Enforcement Group ang dalawang tulak ng droga sa C. Victorino St. Villa Alfonso, Barangay Bambang.

Kinilala ang mga ito na sina Julius Cesar Ilagan at Jayson Proda. Aabot sa walong kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng 300 libong piso ang nasabat sa mga suspek.

Ayon sa mga otoridad, mga estudyante ang karaniwang kustomer ng mga suspek. Naaresto ang dalawang suspek matapos ituro ng mga pusher na unang nahuli ng mga pulis sa Cubao, Quezon City.

Sa Taguig City naman, mag-aalas onse kagabi ng maaresto ng mga pulis si Princess Cordero dahil sa pagbebenta ng marijuana sa Barangay Tipas.

Ayon kay Southern Police District Director Police Chief Superintendent Tomas Apolinario, mga estudyante ang binibentahan ng marijuana ni Cordero.

Isinagawa ng mga pulis ang buy bust operation matapos makatanggap ng impormasyon sa kanilang asset hinggil sa iligal na aktibidad ng 18 anyos na suspek.

Isang daan at walumpung sachet ng marijuana na nagkakahalaga ng labing walong libong piso ang nakuha ng mga otoridad kay Cordero.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,