3 ‘tulak’ kaloboso sa P7.7M halaga ng droga

by Jeck Deocampo | August 2, 2018 (Thursday) | 8866

QUEZON CITY, METRO MANILA – Aabot sa P7.7 milyong halaga ng mga ipinagbabawal na gamot ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng PDEA, QCPD at NPD Drug Enforcement Unit sa buy-bust operation kagabi laban sa mga nagtutulak ng party drugs sa Quezon City.

Natimbog ang maglive-in partner na sina Hazel Grace Lanugan at Rafael Tadoran, parehong 21-anyos, at Warren Calicdan, 34-anyos, pawang mga target ng operasyon

Nagpanggap na buyer ng ecstasy ang isa sa mga operatiba at nang magkaroon ng pagkakataon ay agad na pinasok ang tahanan ng mga suspek sa #85 Tomas Morato, Brgy. Obrero sa Quezon City.

Nakumpiska ang mahigit 2,000 tableta ng ecstasy, mahigit 200 piraso ng ecstasy capsule, walong bote at isang malaking container ng rape drug o liquid ecstasy, dagdag pa ang 100 gramo ng hinihinalang shabu.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

Ulat ni Reynante Ponte/ UNTV News

Tags: , , ,