3 Taiwanese at 1 Filipina, nahulihan ng mga sangkap sa paggawa ng iligal na droga

by Radyo La Verdad | September 11, 2018 (Tuesday) | 2618

Matapos ang limang buwang surveillance, naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police Drug Enforcement Group, PDEA Calabarzon, PNP Maritime Group at Infanta police ang tatlong Taiwanese National sa pantalan ng Brgy. Dinahican, Infanta, Quezon kaninang madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Jhuo Tian-You, Wang Ching-Huang, Lin Ching Weng at ang Filipinang si Kimberly De Vera na nobya ni You.

Nakuha mula sa bangka na pagmamay-ari ng mga ito ang sampung sako ng kemikal na hinihinalang sangkap sa paggawa ng shabu at dalawampu’t dalawang galon na naglalaman ng tig-tatlumpung litro ng liquid substance.

Ayon kay PCSupt. Albert Ferro, director ng Philippine National Police Drug Enforcement Group, posibleng may pagawaan ng shabu ang mga suspek.

Dagdag pa ni Ferro, ang mga lugar na nasa pacific side sa bansa ang lugar kung saan isinasagawa ng mga banyaga ang kanilang illegal drug activities tulad sa Cagayan Valley, Bicol, Samar  at Isabela.

Samantala, itinanggi naman ni De Vera na alam niya ang iligal na gawain ng grupo ni You na nakilala niya sa social media at wala pang isang buwan silang magkarelasyon.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang mga Taiwanese National kung saan galing ang mga kemikal at kung saan nila dadalhin ang mga ito.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa mga suspek na nahaharap sa paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

Tags: , ,