Sugatan ang 19 anyos na si Eugene Echano matapos mabangga ng motorsiklo habang papatawid ng kalsada sa kanto ng Taft Avenue at Pedro Gil street, pasado alas dose kagabi.
Kitang-kita sa kuha ng CCTV sa lugar ang pagtilapon ni Echano at pagsemplang naman ng motorsiklo na nakabangga sa kaniya. Nagtamo ng malubhang sugat sa mukha ulo at galos sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si Echano habang sugatan din ang magka-angkas sa motorsiklo na sina Sherwin Sua, 33 years old at Lizelle, 26 years old.
Magkatuwang na nilapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue at Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Rescue ang mga biktima at saka inihatid sa Philippine General Hospital.
Wala ng malay nang datnan ng MMDA Rescue at UNTV News and Rescue ang isang lalaki sa Quezon Avenue sa brgy. Paligsahan, Quezon City pasado alas dos kaninang madaling araw. Agad ini-assess ng rescue team ang biktima na kinilalang si Elmer Balicog at agad isinugod sa ospital dahil sa wala itong malay.
Ayon sa traffic investigator, nangangamoy alak ang biktima kaya posibleng ito aniya ang dahilan kaya ito naaksidente sa motorsiklo.
Samantala, tinulungan naman ng UNTV News and Rescue Team ang isang lalaki na biktima umano ng hit and run sa Cagayan de Oro City kaninang pasado alas dos ng madaling araw.
Ayon sa mga nakakita sa pangyayari, patawid ng kalsa sa Lapasan, Nat’l Highway ang biktima na kinilalang si Robert Pendong nang mahagip ng rumaragasang SDAN.
Agad nilapatan ng first aid ng UNTV Rescue ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at saka isinugod sa Northern Mindanao Medical Center.
( Asher Cadapan Jr./ UNTV Correspondent )
Tags: Maynila, MMDA Rescue, UNTV