3 pulis patay, 4 sugatan sa pananambang sa convoy ni FDA Director General Nela Charade Puno sa Lupi, Camarines Sur

by Radyo La Verdad | October 18, 2018 (Thursday) | 18375

Tinambangan ng dalawampung hinihinalang miyembro ng New People’s Army ang convoy ni Food and Drug Administration Director General Nela Charade Puno sa Brgy. Napolidan Lupi, Camarines Sur kaninang pasado alas nuebe ng umaga.

Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, patungo sana sa Daet Camarines Norte ang convoy nang tambangan ng mga rebeldeng komunista.

Nasawi sa ambush ang tatlong police escort ni Puno na nakilalang sina SPO1 Percival Rafael, PO3 Carlito Navarroza at PO1 Ralph Jason Vida.

Sugatan naman ang apat na iba pang kasama sa convoy na pawang nakatalaga sa Camarines Sur Police Provincial Office at pansamantalang itinalaga kay Puno sa lugar. Agad isinugod ang mga sugatan sa Bicol Medical Center sa Naga City.

Agad namang nakipag-ugnayan ang Bicol PNP sa Philippine Army para sa hot pursuit operation. Nagsagawa din ng checkpoint ang mga pulis sa iba’t-ibang lugar sa Camarines Norte at Camarines Sur.

Sinabi pa ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde na gagamit na ang PNP ng drone sa mga operasyon at upang makaiwas na rin sa mga ambush.

Pitong daang unit ng drone aniya ang ipamamahagi ng PNP sa mga regional mobile group sa iba’t-ibang lalawigan sa bansa sa lalong madaling panahon.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,