3 pulis, 1 sibilyan, arestado dahil sa pangongotong

by Radyo La Verdad | August 1, 2018 (Wednesday) | 3062

Huli sa isinagawang entrapment operation ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) sa Mindanao Avenue Extension, Brgy. Ugong Valenzuela City kagabi ang tatlong pulis at ang kasabwat nilang sibilyan sa pangongotong.

Ayon kay CITF Commander PSSupt. Romeo Caramat, 200 hanggang 500 piso ang hinihingi gabi-gabi ng naturang mga pulis sa may 15 junkshop owners sa lugar.

Pawang nakatalaga sa Police Community Precinct 8 ng Valenzuela City ang mga naarestong pulis na sina SPO4 Seraffin Adante, PO1 Ryan Paul Antimaro at PO1 Rey Harvey Florante.

Kinilala naman ang kasabwat ng mga ito na si Amado Baldon Jr.

Ayon kay Caramat, base sa kanilang imbestigasyon sa naturang mga junkshop, China-chop chop ang mga nakaw na motorsiklo kayat nagbibigay ang mga ito ng protection money sa mga pulis upang hindi mahuli.

Kakasuhan ang mga pulis ng extortion at grave misconduct para matanggal sa serbisyo. Dismayado naman si PNP Chief PDG Oscar Albayalde sa natuklasang iligal na aktibidad ng mga pulis.

Iniimbestigahan na rin ang ibang tauhan ng PCP 8 kung may kaugnayan sa extortion activities.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,