3 o 4 na sundalong Amerikano, ipipresenta sa paglilitis kay US Marine Joseph Scott Pemberton sa susunod na linggo

by dennis | May 15, 2015 (Friday) | 1467

IMAGE_Jan282015_UNTV-News_OLONGAPO_PNP_JOSEPH-SCOTT-PEMBERTON

Nasa bansa ngayon ang mga kasamahang sundalo ni US Marine Joseph Scott Pemberton upang humarap sa paglilitis sa kaso ni Jennifer Laude sa susunod na linggo.

Ayon kay Justice Usec Jose Justiniano, pinabalik sa bansa ang tatlo o apat na mga US Marine upang tumestigo pabor sa prosekusyon ngunit hindi pa umano nila masasabi kung magiging hostile witness ang mga ito.

Nagpapatuloy sa ngayon ang case conference dito sa Department of Justice at nirereview ang sinumpaang salaysay ng mga sundalong Amerikano na isinumite sa Naval Criminal Investigation Service o NCIS.

Nakasaad sa kanilang testimonya na nakita nilang kasama ni Pemberton ang transgender na si Jennifer Laude noong gabi bago ito natagpuang patay sa isang motel sa Olongapo City, Oktubre ng nakaraang taon.

Kasama sa case conference ang ilang prosecutor ng DOJ sa pangunguna ni Olongapo City Prosecutor Emilie De Los Santos.(Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , ,