3 Million bagong botante, target mairehistro ng Comelec hanggang Sept. 30

by Radyo La Verdad | January 11, 2024 (Thursday) | 6520

METRO MANILA – Inaprubahan na ng Commission on Elections (Comelec) En Banc ang muling pagbubukas ng continuing voter registration sa susunod na buwan.

Magsisimula ito ng February 12 at magtatapos sa September 30, 2024.

Ayon kay Chairman Garcia, nasa 3 milyon ang kanilang tinitingnan na makapagrehistro bilang bagong botante para sa 2025 national and local elections.

Sa ngayon ay nasa mahigit 60 million ang rehistradong botante sa buong bansa.

Para maabot ito, gagawin na rin ng Comelec sa buong bansa ang register anywhere project na ginawa ang pilot test sa selected malls lamang sa Metro Manila at Visayas.

Sa pamamagitan nito, kahit taga saan pa ang isang aplikante ay maaaring magparehistro sa mga registration centers o site na itatalaga ng Comelec.

Pwede rito ang reactivation, bagong registration, lilipat ng lugar kung saan boboto at maging magpapabago ng civil status.

Pero, paalala ni Garcia, bawal o hindi na nila tatanggapin ang company ID bilang requirement para sa registration.

Dapat aniya ay valid government ID’s o government issued documents. Paliwanag ng Comelec, naaabuso ang paggamit ng company ID.

Paalala pa ng Comelec, mahalaga ang pagpaparehistro dahil kabilang sa ating karapatan sa ilalim ng ating saligang batas na makaboto kapag rehistrado.

Tags: ,