Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang tatlong magkahiwalay na vehicular accident sa Zamboanga City kaninang madaling araw. Ang unang insidente ay nangyari sa Narra Drive, Tugbungan, Zamboanga City pasado dose kanina.
Nagtamo ng mga gasgas sa kaliwang hita at binti si Allan Ladjagani matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang kotse habang pauwi na sana sa kanilang bahay.
Agad na nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team at dinala sa Doctors Hospital. Wala namang tinamong sugat ang drayber ng nakabanggaan nitong kotse.
Ayon sa mga saksi, magkasalubong ang dalawa nang biglang nang-agaw ng linya ang biktima.
Tinulungan din ng grupo ang tatlo pang mga sugatang biktima ng isa pang vehicular accident sa Mcll Highway, Putik, Zamboanga City.
Kinilala ang mga biktima na sina Francis Sarantonio, Argen Angeles at Jeremy Laurente. Papunta sana si Francis sa bahay ng kaniyang kaibigan sakay ng motorsiklo nang makabanggan niya ang isa pang motorsiklo na sinakyan ng dalawa pang biktima.
Nilapatan ng first aid ang mga tinamo nilang mga gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Nagpadala sa hospital si Francis ngunit tumanggi na sina Argen at Jeremy.
Samantalang ang huling insidente na nirespondehan ng UNTV News and Rescue ang isang biktima pa rin ng vehicular na si Hermer Manunug.
Pauwi na aniya sila kasama ang kaniyang kaibigan sakay ng motorsiklo nang bigla umano silang sumemplang sa kalsada.
Nilapatan ng paunang lunas ang hiwa sa kaniyang bibig. Iniinda rin nito ang pananakit ng kaniyang likod at pagkatapos nito ay dinala sa Zamboanga City Medical Center para sa karagdagang atensyong medikal.
( Dante Amento / UNTV Correspondent )