3 Filipino contemporary artists, lumahok sa art exhibit sa Montreuil, France

by Radyo La Verdad | October 19, 2018 (Friday) | 12584

Sa unang pagkakataon, lumahok ang tatlong Filipino contemporary artists na sina Dhon Dela Paz, Nior Salonga at Francis Eric Dimarucut sa isinagawang 20th Portes Ouvertes Des Ateliers D’artistes, art exhibition sa Montreuil, East Suburb ng Paris mula ika-12 hanggang ika-15 ng Oktubre.

Agaw pansin ang pyesa ni Dimarucut na may pamagat na stitch memory na may nakasabit na longganisa.

Aniya, ang pamilya nila ang isa sa pinakamasarap na gumagawa ng longganisa sa Paniqui, Tarlac. Inilalarawan sa kaniyang obra ang dugo at pawis na puhunan ng kaniyang ama sa kanilang negosyo na sinangkapan ng ginintuang puso.

Bato sa Buhangin, Gintong Araw, Bituin, Piece of me at Shadow of your Love naman ang tema ng sining ni Nior Salonga. Ang kaniyang likhang sining ay tumutukoy sa kaniyang buhay. Ipinakikita ang mga ala-ala ng nakalipas, karugtong ng ngayon at bukas.

Hiindi naman naging hadlang ang kahirapan sa buhay para kay Dhone Dela Paz dahil nagpursige siyang pagbutihin pa rin ang kaniyang talento sa sining lalo na at ito ang kanyang hilig.

Masaya ang mga artists na ito dahil sa suporta ng mga kapwa Filipino sa mga kagaya nilang baguhan sa larangan ng sining sa France.

Ang mahalaga anila ay naipakita nila sa kanilang mga obra ang sipag, ugali at higit sa lahat ang pag-ibig sa pamilya ng mga Pilipino.

 

 

 

Tags: , ,