Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Quezon City Team ang dalawang aksidente sa motorsiklo sa Mindanao Ave. pasado alas onse kagabi.
Nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV Rapid Rescue Unit ang angkas ng motorsiklo na si Ferdinand Jimenez na nagtamo ng mga galos sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Habang nasawi naman ang driver ng motor na si Carlo Dagpin.
Ayon sa kagawad na rumesponde sa lugar, may kabilisan ang takbo ng motorsiklo bago mangyari ang aksidente. Sa lakas ng impact, nabasag ang plant box na nasa center island ng Mindanao Ave. underpass habang tumilapon naman ng halos animnapung metro ang motorsiklo.
Samantala, ilang sandali pa’y sumemplang naman ang motorsiklong sinasakyan nina Jerome Alpa at Romeo Yano sa parehas pa ring lugar.
Ayon sa dalawa, biglang huminto ang sinusundan nilang Isuzu D-Max na tila umosyoso umano sa aksidente kaya naman bumangga sila sa likuran nito.
Agad nilapatan ng first aid ng Untv Rescue Quezon City Team ang dalawang biktima na nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Pagkatapos naman nito ay kapwa tumanggi nang magpadala pa sa ospital ang tatlong nasugatan sa insidente.
Samantala, tinulungan din ng UNTV News and Rescue ang biktima ng hit and run sa barangay Borol 1st Mcarthur Highway, Balagtas, Bulacan kaninang umaga.
Patawid ng kalsada sakay ng kaniyang bisikleta ang biktima na kinilalang si Salvador Shapit, sisentay sais anyos, ng mahagip ng mabilis na tumatakbo motorcycle rider. Agad na tumakas ang nakabanggang motorcycle rider matapos ang aksidente.
Nilapatan naman ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue ang mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ni Salvador. Dinala rin ng grupo ang biktima sa Bulacan Medical Center sa Malolos upang masuri ng maigi ng mga doktor.
( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )