3 Batang lalaki na inanod ng alon sa Manila Bay sa kasagsagan ng bagyong Lando, nasagip

by Radyo La Verdad | October 19, 2015 (Monday) | 2602

mga bata sa manila bay

Halos tatlong oras na nagpalutang-lutang sa gitna ng dagat ang makakaibigan na sina Sam Andrei 12 anyos, Joel 15 anyos at Jade 13 anyos nang tangayin ng malalalking alon sa kasagsagan ng bagyong Lando kahapon.

Ayon sa isa sa mga biktima nagkayayaan silang magkakaibigan na maligo sa Manila Bay na sakop ng Baseco sa Maynila, subalit dahil sa lakas ng alon, tinangay ang tatlo sa gitna ng dagat.

Dinala ang mga bata sa likurang bahagi ng Luneta Grand Stand at isang empleyado ng Manila Ocean Park ang nakakita sa mga bata na palutang-lutang sa dagat.

Agad na humingi ng tulong sa mga pulis ang mga tauhan ng parke at nasagip ang mga bata.

Ayon sa mga magulang ng mga bata, hindi nagpaalam ang mga biktima na maliligo sa dagat at ngayon lang ginawa ng magkakaibigan na maligo kahit na alam nilang may bagyo.

Nangako sina tatay Nelvin at nanay Marilou na mas babantayan ang kani-kanilang mga anak upang huwag nang maulit ang insidente.

(Benidect Galazan / UNTV News Correspondent)

Tags: , ,