Hindi pa nakakarating sa ground zero ang mga heavy equipment ng DPWH at private companies para sana gamitin at mapabilis ang search and rescue operation sa Sitio Hakrang, Barangay Habawel Natonin, Mt. Province o ground zero.
Hanggang ngayon, mano-mano pa rin ang ginagawang paghuhukay ng rescuers sa mga biktima ng landslide dahil pagpunta pa lang sa ground zero ay pahirapan na limang kilometro ang kinailangang lakarin.
Aabot sa labing lima ang landslide na daraanan, ang iba dito ay hanggang bewang ang lalim ng lupa. Kailangan pang dumaan sa gilid ng bangin.
Kahapon ay nagdeklara na si Mayor Mateo Chiyawan na i-shift search and retrieval ang operasyon sa ground zero.
Aniya, dahil nagdikit-dikit na ang mga palapag ng gusali ng DPWH at tila wala nang air pocket o puwang upang pumasok ang hangin para makahinga pa ang mga pinangangambahang naipit sa ilalim.
Bunsod nito ay mababa na ang tyansa na may makukuha pang buhay sa mismong ground zero.
Sa kwento ng mga survivor sa incident commander, malakas talaga ang agos ng landslide.
Kaya posible na inanod na ang iba sa ibaba ng creek isang kilometro ang layo mula sa ground zero. Bandang alas kuwatro ng hapon kahapon ay may tatlo silang nakuha unidentified na bangkay.
Sa ngayon, labing siyam pa ang hinahanap.
Ayon kay Mayor Chiyawan, nangangamba sila na kulangin ang pagkain para sa mga rescuers.
Problema rin ang gasolina dahil walang gasoline station sa Natonin at pakonti-konti ng galon ang naiaakyat kaya kahit pa raw may equipment ay hindi pa rin daw nila ito mapapagana.
( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )
Tags: bangkay, landslide, Mt.Province
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com