3 araw na Massive Vaccination Drive, isasagawa para matulungan ang mga probinsya na may mabagal na vaccine rollout

by Radyo La Verdad | November 9, 2021 (Tuesday) | 1033

METRO MANILA – Sa kabila nang tuloy-tuloy na pagbabakuna sa ilang mga lugar gaya sa metro manila, may ilang mga rehiyon pa rin ang nanatiling mabagal ang vaccination rollout.

Ayon kay vaccine czar secretary carlito galvez jr. Ito ay dahil sa problema sa cold storage facility lalo na sa mga liblib na lugar.

Kabilang sa mga ito ang bangsamoro autonomous region of muslim mindanao, bicol region, western mindanao, mimaropa at socksargen.

“Unang-una nakita natin yung accesibility, yung BARMM karamihan sa kanila geographically isolated areas yung basilan, solo, at tawi-tawi mga island provinces ito and then yung limitation talaga ng cold chain facility… Tsaka kulang yung mga vaccinators.” ani Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr.

Nguni’t dahil target ng pamahalaan na mabakunahan ang 70% ng populasyon bago matapos ang taon.

Isang malawakang vaccination drive ang isasagawa sa katapusan ng Nobyembre.

Layon din nito na matulungan sa pagbabakuna ang mga probinsya na mabagal ang rollout kung saan limang milyong indibidwal ang inaasahang mababakunahan.

“Kaya nga natin gagawin yung vaccination day para makita natin, macapacitate natin yung mga lugar lalo na mai-reinforce natin yung mga lugar na mahihina ang kanilang vaccination at mabigyan natin ng support in terms of vaccinators. ito po ay pino-propose namin na magkaroon ng 3 day national vaccination day tayo. Ito ay magsisimula sa Nov. 29, 30 at Dec. 1 kasi tinataon natin na talagang yung National Heroes Day yung November 30 kasi parang minemessaging natin na ang lahat ng tao na magpabakuna ay isang bayani.” ani Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr.

Sa monitoring ng NTF mayroon pang nasa 47 million doses ng bakuna ang naka imbak sa mga storage facility kaya’t kinakailangan na magamit na ang mga ito.

Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na magamit na ang mga asset ng pamahalaan sa mabilis na pagdedeliver ng COVID-19 vaccines.

Nagkaroon na rin ng mandato ang DILG na makatulong ang PNP at BFP sa augmentation ng vaccinators.

Sa ngayon, target pa rin ng pamahalaan na maabot ang 1.5 million daily vaccination rate upang agad na maabot ang population protection.

Samantala, dumating naman kagabi sa bansa ang 2.8 milllion doses ng Sputnik V vaccine mula Russia.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: