3.6M Bags ng Imported NFA Rice, ipauubos sa merkado sa loob ng 1 Buwan

by Erika Endraca | September 13, 2019 (Friday) | 12263

MANILA, Philippines – Ipakakalat ng National Food Authority (NFA) sa mga palengke sa bansa ang kanilang inangkat na 3.6 Milyong sako ng bigas at ipauubos ito sa loob lamang ng 1-buwan.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar, sa pamamagitan nito ay inaasahang mapapababa ang presyo ng commercial rice sa P32 pesos kada kilo.

“We would like to believe that by flooding the market with 3.6 million bags of imported rice will further have an impact in terms of lowering the prices in the market” ani  DA Secretary William Dar.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa P600 Rice Allowance na ibinibigay sa mga benipisyaryo Ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps kada buwan.

Ayon kay Dar, sa halip na pera ay iminumungkahi na bigas na mismo ang direktang ibigay na bibilhin sa NFA o direktang mula sa mga kooperatiba ng mga magsasaka.

Makakatulong aniya ito ng malaki,  dahil sa taong 2020 ay may nakalaang P28-B budget ang DSWD para lamang sa Rice Allowance.

Samantala, itinaas na ng NFA sa P19 kada kilo mula sa dating P17 kada kilo ang support price o bili nito ng tuyong palay sa mga magsasaka.

Pero inalis naman ang insentibo na dating ibinibigay ng NFA sa pagpapatuyo ng palay na  P3.70 kada kilo. Sa kabila nito ayon kay Dar, ay madaragdagan pa ang kita ng mga magsasaka ng P8,000 kada ektarya. 

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,