3.5M na benepisyaryo ng 4Ps, hindi pa bakunado vs. Covid-19 – DSWD

by Radyo La Verdad | November 11, 2021 (Thursday) | 18848

Mula sa 4.1 million na benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps), 3.5 million sa mga ito ang hindi pa rin bakunado laban sa Covid-19 ayon sa Department of Social Welfare and Development.

Sa ilalim ng prioritization program ng Covid-19 vaccination, pasok sa A5 category o indigent population ang mga miyembro ng 4Ps.

Ayon sa DSWD, dati na silang nagsagawa ng vaccination survey sa mga 4Ps at lumalabas na ang ilan sa kanila ay mayroon pa ring agam-agam sa pagpapabakuna laban sa Covid-19.

“Bago po tayo mag-rollout ng vaccination program, nagkaroon po tayo ng survey tapos doon po sa survey na ‘yon meron po silang binigay na mga hesitations or fears, after that katulong ang Department of Health naggawa tayo ng information educatiom campaign materials at sinagot po natin lahat po ng kanilang hesitancy,” ani Asec. Glenda Relova, Spokesperson, DSWD.

Nauna nang iminungkahi ng Department of the Interior and Local Government ang pagpapatupad ng no bakuna no ayuda policy sa mga benepisyaro ng 4Ps upang mahikayat ang mas marami pa nating mga kababayan na magpabakuna.

Kaya naman si nanay Rose Marie basas mula sa Baseco Maynila, na isang miyembro ng 4Ps, agad nang nagpabakuna noong Martes sa takot na baka hindi na makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.

“Kaya nga po nagdecide po kami na magpaano ng… bakuna kasi sabi matanggal daw (sa 4Ps) ‘pag hindi nakapag bakuna,” ayon kay Rosemarie Basas, 4Ps beneficiary.

batid ni nanay rose marie ang kahalagahan ng pagbpapabakuna pero hiling niya na sana’y huwag nang i-require ang bakuna sa pagtanggap ng ayuda lalo’t may ilan pa rin sa kanilang kasamahan ang takot na magpaturok ng Covid-19 vaccine.

Paliwanag naman ng DSWD maraming mga bagay ang kinakailangang ikonsidera bago ipatupad ang “No Bakuna, No Ayuda” policy.

Giit ng ahensya, kinakailangan pagkasunduan muna ng lahat ng partner agencies ang nasabing panukala, bago ito ipatupad sa mga benepisyaryo.

“Umaapela po ang DSWD sa ating partner agencies na magkaroon muna ng paguusap tungkol dito. Subalit nais naming banggitin na ang DSWD ay naniniwala ang pagbabakuna ay nanatiling boluntaryo at kinakailangan po talaga ang informed consent ng ating mga benepisyaryo,” ayon pa kay Asec. Glenda Relova.

Sa halip na huwag bigyan ng ayuda, isa sa mga nakikitang paraan ng DSWD para mahikayat na magpabakuna ang mga 4Ps ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng incentives sa mga bakunado.

“Pinagaaralan din po ng Departamento yung sinasabi nating incentivize our beneficiaries or the public so maaari po dito isa sa pinagaaralan yung prioritization nila sa pagbibigay ng livelihood program sa mga fully vaccinated individuals and groups po,” dagdag ni Asec. Glenda Relova, Spokesperson, DSWD.

JP Nuñez | UNTV News

Tags: , , ,