Dalawang kumpanya pa lang ang nagpahayag ng interes na sumali sa 2nd round ng bidding para sa refurbishment ng mga lumang PCOS Machine.
Sa ngayon tanging ang Smartmatic at Miru Systems pa lang ang bumili ng bid documents para sa P3.130 billion na kontrata.
Sa August 1 itinakda ang Submission at Opening of Bids para dito.
Ngunit nangangamba ang technical working group ng Special Bids and Awards Committee 2 na posibleng mauwi sa failure of bidding ang proseso dahil hindi kayang tapusin ng dalawang kumpanya ang pagrerefurbish sa mahigit 81 libong makina batay sa nakasaad na deadline sa bid documents.
Batay sa timeline ng bid documents kailangang matapos ang pagsasaayos sa mga makina sa October 5.
Subalit sa pagtatanong ng Bids Committee sa dalawang kumpanya, mahigit sa dalawang buwan ang kailangan upang matapos ang proyekto.
Pinagsusumite ng Bids Committee ng proposal ang dalawang kumpanya upang ma-adjust ang timeline sa refurbishment.
Sang-ayon sa batas, kapag hindi pa rin nagtagumpay ang 2nd round ng bidding maaari nang pumasok sa negotiated contract ang isang ahensya ng pamahalaan.
Matatandaang hindi naging matagumpay ang 1st round of bidding para sa refurbishment ng PCOS machines dahil walang kumpanya ang nagsumite ng bid proposal matapos ibaba ang budget ng proyekto sa P2.074 billion mula sa dating P2.88 billion.