METRO MANILA – Tuloy na tuloy na sa darating na Miyerkules hanggang Biyernes, December 15 hanggang 17 ang ikalawang yugto ng national vaccination days.
Tiniyak ng National Task Force against COVID-19 na hindi na kukulangin ang suplay ng mga bakuna maging ang mga syringes na gagamitin sa bakunahan.
“Wala tayong problema sa vaccines, wala rin tayong problema sa iba’t ibang supplies gaya ng syringes kumpleto na, so ok tayo sobra-sobra ang supply natin” ani NTF vs COVID-19 Deputy Chief Implementer Sec. Vince Dizon.
Ayon sa national government tutukan ngayon ang pagbabakuna ng second dose upang mas maraming mga Pilipino ang maging fully vaccinated bago pa ang holiday season.
At para mas marami pa ang mabakunahan, kasama sa mga gagamitin sa national vaccination ang bagong delivery ng single dose Janssen vaccines mula sa Covax facility.
7 milyong ang itinakdang target ng department of health na mai-fully vaccinate sa second national vaccination days.
Ngunit ayon sa National Task Force, posibleng kayanin pa ang hanggang 9 milyon ang bilang ng mababakunahan.
“For this round ang priority talaga natin ay second doses, so second dose ang ating magiging priority ang unang round natin is first doses, so ngayon ang binigay na target ni Secretary Duque is 7 million for the 3 days pero kami ni sec. Charlie tingin namin kaya yan between 7 to 9 million, pero yan ang taregt ng ibinigay ng doh sa atin ang tingin natin kaya nating ma-achieve yan hindi lang dun sa tatlong araw kundi sa buong lingo” ani NTF VS COVID-19 Deputy Chief Implementer Sec. Vince Dizon.
Sa kabila nito nilinaw ng pamahalaan, na isasabay pa rin ang pagbabakuna ng mga batang edad 12 hanggang 17 maging ang pagtuturok ng booster shots sa Miyerkules hanggang sa Biyernes (December 15-17).
At kahit sanay na sa pagdaraos ng malawakang vaccination, naghahanda pa rin ang ilang LGU sa Metro Manila.
(JP Nuñez | UNTV News)
Tags: Covid-19 Vaccines