Isinantabi na ng Sleman District Court ng Indonesia ang ikalawang apela na inihain ng gobyerno ng Pilipinas para mailigtas ang OFW na si Mary Jane Veloso, na nakatakdang bitayin sa pamamagitan ng firing squad bukas.
Nakasaad sa 2nd appeal na si Mary Jane ay biktima lamang ng human trafficking at hindi drug mule.
Ayon sa Sleman District Court, isang appeal lamang ang pinagbibigyan ng mga korte sa Indonesia at tinatanggap lamang ang 2nd appeal kung nagkaroon ng kontradiksyon sa naging desisyon ang administrative, criminal at civil courts batay sa panuntunan ng Korte Suprema ng nabanggit na bansa.
Samantala, ang embahada ng Pilipinas ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga abogado sa Indonesia kung naging matagumpay ang pakikipag-usap ni Pangulong Benigno Aquino III kay Indonesian President Joko Widodo.