29 na bayan at lungsod sa Central Visayas, kabilang sa election watchlist areas

by Radyo La Verdad | December 10, 2018 (Monday) | 6803

Dalawampu’t siyam na bayan at lungsod sa Central Visayas ang mahigpit na tutukan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kaugnay ng nalalapit na 2019 midterm elections.

Ang mga ito ang tinukoy na kabilang sa election watchlist ng Comelec sa pakikipagpulong sa PNP at AFP batay sa mga naitalang election-related incident noong mga nakaraang eleksyon.

Ang mga ito ay ang sampung bayan sa Negros Oriental, anim sa Bohol, anim sa Siquijor, apat sa probinsya ng Cebu at Metro Cebu na kinabibilangan ng Cebu City, Mandaue City at Lapu-Lapu City.

Kasama sa sampung lugar na tututukan sa Negros Oriental ay ang Guihulngan City, Canlaon City, Bais City, Siaton, Ayungon, Mabinay, Manjuyod, Tayasan, Santa Catalina, at Zamboangita.

Ang mga bayan ng Buenavista, Clarin, Danao, Pilar, Tubigon at Inabanga para naman sa probinsya ng Bohol.

Samantala, kasama pa rin ang anim na bayan ng Siquijor na kinabibilangan ng Enrique Villanueva, Larena, Lazi, Maria, San Juan at Siquijor.

Ang munisipalidad naman ng Ronda, Tuburan, San Fernando, at Danao City sa probinsya ng Cebu ay nananatiling kabilang sa election watchlist areas.

Sa isinagawang Regional Joint Security Control Center Meeting, pinag-usapan na rin ng mga ahensya ang mga paghahanda at hakbang na gagawin upang matiyak na magiging mapayapa at malinis ang midterm elections 2019.

 

( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )

Tags: , ,