28 patay, 11 sugatan sa patuloy na bakbakan ng AFP at BIFF sa Maguindanao at North Cotabato

by Radyo La Verdad | June 13, 2018 (Wednesday) | 9081

Dalawampu’t walo na ang nasawi habang labing-isa ang sugatan sa patuloy na sagupaan ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao at North Cotabato.

26 sa mga napatay ay BIFF members, isang sibilyan at isang sundalo na kinilalang si Pfc. Gary Quitor. Sugatan naman ang walong miyembro pa ng BIFF at tatlong sibilyan.

Ayon kay LTC Gerry Besana, ang tagapagsalita ng Western Mindanao Command (Westmincom), desperado na ang mga kalaban kaya pati sibilyan ay dinadamay ng mga ito sa labanan.

Mula noong Linggo ay nagkaroon na ng limang engkwentro ang mga sundalo at rebeldeng grupo.

Dalawang engkwentro ang nangyari bandang alas otso noong Lunes ng gabi at ang pinakahuli ay kahapon ng alas kwatro ng madaling araw sa Midsayap, North Cotabato na ikinasawi ng 2 dalawang BIFF.

Sinisikap na ng AFP na huwag umabot ang labanan sa ibang mga lugar para maiwasan ang collateral damage.

Samantala, dinipensahan naman ni 33rd Infantry Batallion Commander Lt. Col. Harold Cabunoc na nasa civillian community ang kanilang operasyon at isinagawang airstrikes.

Hindi naman tiyak ng AFP kung kailan matatapos ang labanan samantalang tuloy naman ang ginagawang clearing operations sa mga lugar ng bakbakan.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

Tags: , ,