27,000 riders ng Angkas, sasailalim sa retraining

by Radyo La Verdad | June 13, 2019 (Thursday) | 11878

METRO MANILA, Philippines – Aarangkada na sa ikatlong linggo ng Hunyo ang anim na buwang pilot test run ng motorycle ride hailing service na Angkas.

Kasunod ito ng pagpayag ng Department of Tranportation na ligal silang makapag-operate. Pero bago sumabak sa pilot test run, sasailalim muna sa isang araw na re-training ang dalawamput-pitong libong partner riders nito upang turuan ng kasanayan para sa ligtas na pagbiyahe, at ipaintindi ang responsibilidad sa kaligtasan ng mga pasahero.

Ilang bagong gamit ng mga riders ang inilusad ng Angkas gaya ng vest kung saan nakakabit na ang mismong ID at nakasulat rin sa likod ang ID number ng rider upang mas madaling matukoy ang pagkakakilanlan nito. May side strap na rin ito na hawakan ng pasahero, sakaling ayaw nilang yumakap sa rider. Bibigyan rin ang mga pasahero ng kanilang hairnet at face mask bilang dagdag na proteksyon bukod pa sa helmet.

 “We need to retrain those bikers and to remind them kung ano yung napagkasunduan sa pilot syempre maraming hinihingi yung government sa atin and basically we have to adhere sa standard na binigay ng government sa atin,” ani David Medrano, Operations Head ng Angkas.

 “Ang pinakakagandahan ngayon yung safety mare-recall namin na laging i-apply araw araw,” ayon kay Reynante Doctor, Angkas rider.

 “Restricted na po kami for 60 kph tapos 10 hours nalang po yung biyahe namin so ise-self regulate po namin,” ani Juancho Kiang isa ring Angkas rider.

Sasagutin ng mga rider ang gastos para sa mga bagong gear, pero tiniyak ng Angkas na hindi ito idadagdag sa pasahe.

“Wala pong magbabago sa pamasahe sa Angkas it will still be 50 pesos for the first 2 kms  and 10 pesos for additional kilometers,” dagdag ni David Medrano ang Operations Head ng Angkas.

Sakali namang maaksidente tiniyak ng Angkas na mayroong matatanggap na insurance ang kanilang mga pasahero. P450,000 kung namatay o naputulan ng parte ng katawan habang P100,000 naman ang maaaring i-reimburse sa nagastos sa pagpapaospital. Kabilang ang mga ito sa mga kondisyong ibinigay ng transportation department bago ang pilot test run.

Sa loob ng anim na buwan, mahigpit na oobserbahan ng DOTR ang serbisyo at mga aksidente na posibleng kasangkutan ng Angkas.

At ito ang magiging batayan ng kanilang rekomendasyon kung tuluyan nang pahihintulutan ang mga motorcycle taxi. Subalit kakailanganin pa rin munang magpasa ng batas ang Kongreso para sa paggamit ng motorsiklo bilang pampublikong sasakyan.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,