26 patay sa landslides sa Biliran province; mahigit 20, nawawala – Gov. Espina

by Radyo La Verdad | December 18, 2017 (Monday) | 1754

Pinangangambahang tumaas pa ang bilang ng nasawi sa Biliran kasunod nang pananalasa ng bagyong Urduja sa nasabing probinsya. Nabatid na aabot sa pitong pamilya mula sa apat na bayan sa Biliran ang natabunan ng gumuhong lupa.

Sa bahagi lamang ng Lucsoon, Naval, aabot sa 23 katao ang patuloy na hinahanap matapos ang landslide habang tatlo naman ang missing sa Biliran mismo.

Ayon kay Biliran Governor Gerardo Espina, sinabi nito na nasa 26 na tao ang kumpirmadong namatay mula sa bayan ng Biliran, Almeria, Caibiran at Naval.

Nagtulong-tulong na  ang mga sundalo at pulis upang marekober ang mahigit dalawampung nawawalang biktima.

Aminado si Espina na pahirapan ang rescue operation lalo pa at ilang mga lugar sa Biliran ang hindi madaanan dahil ilang mga kalsada at tulay na rin ang bumigay.

Sa ngayon ay tanging mga pumpboat muna ang magagamit upang makatawid patungo sa Biliran.

Samantala, nabatid na nagkakaroon na rin ng panic buying sa naturang lugar. Nanawagan na ng karagdagang tulong si Espina lalo na sa pagbibigay ng tubig na maiinom sa kaniyang nasasakupan.

 

( Jenelyn Gaquit-Valles / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,