Napuruhan ang imbak na bigas ng National Food Authority matapos manalasa sa bansa ang mga bagyong Urduja, Vinta at Agaton.
Ayon sa NFA, kailangan na nila ng dagdag na supply kaya’t nag-request na sila ng 250 libong metriko tonelada ng bigas.
Ayon kay NFA Spokesperson Rebecca Olarte, limitado na lamang ang natitira nilang stock ngayon. Hindi makabili sa lokal na mga magsasaka ang NFA dahil mas mataas sa 17 pesos kada kilo ng palay ang bili sa mga pribadong dealer. Hinihintay na lamang ng NFA ang pasya ng National Food Council kung papayagan ang pag-aangkat.
Ayon sa NFA, para sa 90 araw pa ang kabuoang stock ng bigas ng buong bansa at karamihan dito ay hawak ng pribadong sektor.
Sa Kamuning Market ay tumaas na ng 10-30 piso ang presyo ng kada sako ng nakukuhang bigas ng mga dealer. Iniuugnay nila ito sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang gastusin sa pagbibyahe maging sa umano’y pagkaunti ng supply ng bigas.
Nais namang pag-aralan ng Department of Agriculture kung tama ba ang ginagamit na basehan para masabing sapat na ang supply ng bigas sa bansa.
Ayon kay Agriculture Sec. Manny Piñol, dapat ay alisin na ang bilang ng mga OFW dahil hindi naman na sila kasama sa mga kumukunsumo ng bigas sa bansa.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: bagyo Urduja, bigas, National Food Authority
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com