25% shading treshold sa VP polls recount, hiniling sa Comelec na sundin – dating CHR Comm. Etta Rosales

by Radyo La Verdad | May 9, 2018 (Wednesday) | 3296

Ipinaglalaban ng mga supporter ni VP Leni Robredo kasama si dating Commissioner on Human Rights Etta Rosales na gawing batayan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang regulasyon sa pagbilang ng boto noong 2016 national and local elections.

Kahapon, nagsumite na si Rosales ng sulat sa poll body at inisa- isa ang tanggapan ng Comelec commissioners upang masigurong maibigay ang kopya sa mga ito.

Nakapaloob sa sulat ang kahilingan na maglabas ng ruling ang Comelec upang ipaalala sa PET na maging batayan pa rin ang 25% shading threshold sa isinasagwang recount ng boto sa vice presidential polls.

Nangangamba sina Rosales sa ipinatupad ngayong resolusyon ng PET sa recount kung saan 50% o kalahati ng bilog sa balota ang dapat namarkahan upang mabilang ang isang boto.

Tila aniya nabaliktad na ang resulta at may mga nababawas na sa boto ni VP Leni Robredo.

Kumpiyansa ang grupo nila Rosales na papakinggan sila ng Comelec at maglalabas ng desisyon upang ma-reverse ang resolusyon ng PET.

Nauna nang nagsumite si VP Leni Robredo sa Korte Suprema ng mosyon na bilangin ang boto base sa 25% treshold.

Inilakip nito sa kaniyang mosyon ang sulat ni Comelec Commissioner Louie Tito Guia, na nagsasaad na 25% nga ang threshold na itinakda ng komisyon.

Posible namang sa Hunyo pa maglalabas ang SC ng kanilang desisyon sa pagbabalik ng kanilang sesyon.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,