25 ektarya ng agricultural lands sa Boracay, maaaring agad na ipamahagi ng DAR

by Radyo La Verdad | June 5, 2018 (Tuesday) | 2701

Aabot sa 25 ektarya ng lupa sa Boracay na walang nakatayong istruktura ang maaaring agad na ipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon kay DAR Undersecretary David Erro, ito ay bahagi ng 1st phase ng gagawing land distribution sa isla kung saan 80 Atis o mga native ng Boracay ang maghahati-hati dito.

Ayon kay Erro, hindi pa maaaring tamnan ng palay ang naturang land area subalit maari naman itong pagtamnan ng niyog.

Dagdag pa ni Erro, masasakop naman ng Phase 2 ang 220 ektarya na may mga nakatayong istruktura at maaaring gibain ang mga ito kung kinakailangan.

Pero kailangan aniyang patungan ito ng 1-3 feet ng top soil para maging produktibong pagtamnan.

Ang nalalabi sa 623 ektaya  na agricultural land ay papasok naman sa 3rd phase ng distribution.

Bukod sa mga IPs’ na nasa isla ay maaaring maging benepisyaryo din ang nasa 200 pang napaalis din sa lugar.

Kasama naman sa panukala ng DAR na ilaan ang 1 kilometro mula sa baybayin para sa commercial o tourism areas ng isla.

Nakahanda na ang draft executive order ng DAR para sa pamamahagi ng agricultural land at isusumite ito sa Malacañang upang malagdaan ng pangulo.

Nagbabala naman ang DAR na maaaring bawiin ang lupang ipamamahagi sa mga benepisyaryo kung lalabagin ng mga ito ang ilang kundisyon gaya ng pagbebenta sa ipinagkaloob sa kanilang lupa.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,