Sen. Jinggoy Estrada pinayagan ng Sandiganbayan na makaboto sa San Juan sa Lunes

by Radyo La Verdad | May 6, 2016 (Friday) | 1348

ESTRADA
Kinatigan ng Sandiganbayan 5th Division ang hiling ni Sen. Jinggoy Estrada na makaboto sa darating na eleksyon.

Pinapayagang makalabas ang senador sa PNP Custodial Center mula alas onse ng umaga hanggang ala una ng hapon sa May 9 upang bomoto sa Xavier School sa San Juan City.
Ayon sa Sandiganbayan, karapatan ng senador na makaboto.

Nilinaw naman ng korte na alinsunod sa resolusyon ng Korte Suprema para sa mga detainee, hanggang national positions lamang at hindi kasama ng local positions sa maaaring iboto ng senador.

Ibig sabihin nito hindi niya maaaring iboto ang anak na si Janella Estrada na tumatakbo bilang bise alkalde ng San Juan at ang kanyang pinsan na si Jana Estrada na tumatakbo naman bilang Congresswoman.

Hindi rin pinagbigyan ang senador na makadalo sa miting de avance ni Janella sa Pinaglabanan Shrine sa Sabado.

Bilang isang akusado na hindi pinayagang magpiyansa sa kasong plunder, hindi maaaring matamasa ng senador ang ilang civil at political rights.

Maliban sa pagboto, pinayagan rin ang senador na sumailalim sa Magnetic Resonance Imaging o MRI sa Cardinal Santos Medical Center sa May 10 mula 1pm hanggang 5pm.
Kaugnay ito sa iniindang sakit sa kanang balikat ni Estrada.

Ipinagutos naman ng korte na tiyakin ng pamunuan ng Philippine National Police ang seguridad ng senador habang nasa labas ng Custodial Center sa May 9 at 10.

Ayon sa Sandiganbayan ang senador ang sasagot sa gastusin ng kanyang paglabas ng Crame.

Mahigpit rin ang bilin ng Sandiganbayan na hindi siya maaaring magpainterview sa media, at gumamit ng communication gadgets na walang supervision ng PNP.

Samantala, humiling din si Sen Bong Revilla sa Sandiganbayan 1st Division na makaboto naman sa Bacoor Cavite ngunit pinapa-comment pa ng korte ang PNP kung kaya nilang bigyan ng serguridad ang senador.

Wala pang desisyon ang korte sa hiling ni Revilla.

(Joyce Balancio/UNTV NEWS)

Tags: