Dalawang bilyong pisong halaga ng mga pekeng relo, nasabat ng BOC

by Radyo La Verdad | May 6, 2016 (Friday) | 1751

RELO
Sinalakay ng pinagsanib pwersa ng Bureau of Customs at National Bureau of Investigation sa isang warehouse sa Manugit, Tondo Maynila kahapon.

Umaabot sa mahigit isang daang libong piraso ng mga imitation na branded narelo ang nakuha ng mga otoridad na nakaimbak sa warehouse.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng NBI, napagalamang pagmamay-ari ng isang nagngangalang Jones Hernandez Sy at Lily Desierto Sy ang naturang warehouse.

Sinasabing ang naturang warehouse ang nagsisilbing distribution hub ng mga counterfeit watch sa Maynila, at siya ring nagsu-supply sa mga probinsya ng Cebu, Davao, Zamboanga at Agusan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng NBI at BOC, kung kaya’t tumanggi muna ang mga ito na magbigay ng ibayong impormasyon.

Hindi pa rin matukoy sa ngayon ng Bureau of Customs kung sisirain o io-auction ang mga nasabing relo.

Sakaling mapatunayan na ang mag-asawang mayari ng warehouse ang nasa likod ng pagpupuslit ng mga naturang kontrabando, maaring maharap ang mga ito sa kaukulang reklamo kaugnay ng paglabag sa intellectual property rights.

(Joan Nano/UNTV NEWS)

Tags: ,