Dumalaw sa Bicol Region kahapon si Pangulong Benigno Aquino the third upang pasinayaan ang ilang nakumpletong proyekto ng Department of Public Works and Highways sa Region V.
Kabilang na dito ang Yawa Bridge Expansion Project na kukunekta sa Maharlika Highway at Tibu Pumping Stations na bahagi naman Urban Drainage Improvement Project.
Ayon sa DPWH, ang bridge expansion ay inaasahang makatutulong sa mas maayos na transportasyon ng mga produkto at supply sa rehiyon.
Ang binuksang Urban Drainage Improvement Project naman ay inaasahang makatutulong upang ma-resolba ang problema sa baha sa Legazpi City at sa iba pang bahagi ng Albay.
Sakop ng mega flood control project ang apat na tulay, tatlong pumping stations, jetty structure at widening ng channel o dike upang hindi agad tumaas ang tubig kapag masama ang lagay ng panahon.
Ayon sa DPWH, kabuuang 335 million pesos ang ginamit na pondo sa proyekto na sinimulang itayo noong 2012.
Inaasahang makatutulong ito sa flood-prone areas pati na sa mahigit 13,300 households sa Albay.
Pagkatapos ng inagurasyon sa Legazpi City ay agad na pumunta ang Pangulo sa Camarines Sur upang pangunahan ang pagbubukas ng fish port sa Sabang, Calabanga.
(Allan Manansala/UNTV NEWS)